Read 1 John chapter 4 in Tagalog on Bible for Hope.
1 Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawa’t espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila’y sa Diyos: sapagka’t maraming nagsilitaw na mga bulaang propeta sa sanglibutan.
2 Dito’y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawa’t espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Diyos:
3 At ang bawa’t espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos: at ito ang sa anticristo, na inyong narinig na darating; at ngayo’y nasa sanglibutan na.
4 Kayo’y sa Diyos, mumunti kong mga anak, at inyong dinaig sila: sapagka’t lalong dakila siyang nasa inyo kay sa nasa sanglibutan.
5 Sila’y sa sanglibutan: kaya’t tungkol sa sanglibutan ang sinasalita nila, at sila’y dinidinig ng sanglibutan.
6 Tayo nga’y sa Diyos: ang nakakakilala sa Diyos ay dumirinig sa atin; ang hindi sa Diyos ay hindi dumirinig sa atin. Dito’y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan, at ang espiritu ng kamalian.
7 Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa’t isa: sapagka’t ang pagibig ay sa Diyos; at ang bawa’t umiibig ay ipinanganak ng Diyos, at nakakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagka’t ang Diyos ay pagibig.
9 Dito nahayag ang pagibig ng Diyos sa atin, sapagka’t sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo’y mabuhay sa pamamagitan niya.
10 Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung tayo’y inibig ng Diyos ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.
12 Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Diyos: kung tayo’y nangagiibigan, ang Diyos ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin:
13 Dito’y nakikilala natin na tayo’y nangananahan sa kaniya at siya’y sa atin, sapagka’t binigyan niya tayo ng kaniyang Espiritu.
14 At nakita natin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanglibutan.
15 Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kaniya, at siya’y sa Diyos.
16 At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Diyos sa atin. Ang Diyos ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Diyos, at ang Diyos ay nananahan sa kaniya.
17 Dito’y naging sakdal ang pagibig sa atin, upang tayo’y magkaroon ng pagkakatiwala sa araw ng paghuhukom; sapagka’t kung ano siya, ay gayon din naman tayo sa sanglibutang ito.
18 Walang takot sa pagibig: kundi ang sakdal na pagibig ay nagpapalayas ng takot, sapagka’t ang takot ay may kaparusahan; at ang natatakot ay hindi pa pinasasakdal sa pagibig.
19 Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.
20 Kung sinasabi ng sinoman, Ako’y umiibig sa Diyos, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka’t ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Diyos na hindi niya nakita?
21 At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.